MANILA, Philippines — Isang kilabot na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang patay habang dalawang sundalo ang sugatan sa magkahiwalay na sagupaan sa bulubunduking bahagi ng probinsya ng Sulu.
Sa report na tinanggap ni Maj. Gen. Ignatius Patrimonio, 11th Infantry Division commander, unang naganap ang engkuwentro alas-7 ng umaga kamakalawa sa Brgy.. Kabbon Takas, Patikul kung saan napatay si Rudy Mar Habib Jihiran, isa sa mga tauhan umano ni ASG leader Mudzrimar Sawadjaan, at mister ni Sitti Aisyah Rullie na kilala bilang Maryam Israni, isang Indonesian at bihasa sa pagiging suicide bomber.
Magugunitang nasagip ng tropa ng pamahalaan ang anak ng mag-asawang Indonesian terrorist na sina Rullie Rian Zeke at Ulfa Handayani Saleh na si Sitti Aisyah mula sa kuta ni Jihiran noong Hunyo 2021 sa Brgy. Bangkal, Patikul.
Sinabi ng militar na ang mag-asawang Saleh ay kilala rin bilang suicide bombers at itinuturong nasa likod ng pambobomba ng Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo noong 2019.
Sinabi ni Patrimonio, tumagal ng ilang minuto ang sagupaan sa pagitan ng grupo ni Sawadjaan at tropa ng 111th Division Reconnaissance Company (DRC) ng Philippine Army at 32nd Infantry Battalion (IB) na ikinasawi ni Jihiran habang mabilis na tumakas ang mga kasama nitong bandidong ASG.
Narekober ng militar sa pinangyarihan ng engkwentro ang bangkay ni Jihiran, isang M14 rifle, mga bala, isang analog na cellphone, at tatlong backpack na naglalaman ng iba’t ibang personal na kagamitan.
Sunod na nakasagupa ng tropa ng 32IB ang mga tumakas na bandidong ASG na ikinasugat ng dalawang sundalo na ginagamot sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo.