MANILA, Philippines — Kapag iisa ang kaarawan ng iyong anak, mataas ang tiyansang kambal sila — pero para sa isang nanay sa Pakil, Laguna, iisang petsa ang kapanganakan ng tatlo niyang anak kahit ilang taon ang pagitan.
Ito ang laman ng viral na paskil ni Pamn Faye Hazel Cabañero sa Facebook, Biyernes, ilang araw matapos ang birthday ng tinatawag niyang "January 27 trio."
"Hindi ko inasahan pero ipinagkaloob!" sabi niya sa nabanggit na post habang nakalakip ang birth certificate ng mga anak.
"Every 3 years dumadating sila at saktong January 27 pa ipinapanganak! 'Yung matres ko ayun lang yata ang kilalang date eh."
Una sa "trilogy" ng kanyang mga anak si Maclean Herz noong 2017, na siyang sinundan naman ni Lady Lemon Faith noong 2020.
Pagsapit ng 2023, dumating naman si McHerly Gold. Bukod sa consecutive at eksakto lagi sa "schedule" ang kanyang panganganak, sinasabing normal delivery rin ang mga bata.
"Napaka bihirang mangyari na sa bawat 3 taon nanganganak ang asawa ko s magkakaparehong date at take note normal delivery po iyan lahat kaya walang daya..hehehe," sabi naman ng mister ni Pamn na si Herbert.
Bihirang-bihira ang pagkakataong ito. Ayon sa Guinness World Records, hawak ng limang magkakapatid ang pagkilala bilang "most siblings born on the same day." Sinasabing 1 out of 17.79 billion ang tiyansang mangyari ito — na ilang beses mas malaki kaysa sa populasyon ng daigdig.
Mangyari kaya uli ito after three years kina Pamn at Herbert? Oras na lang siguro ang makapagsasabi.
"Saganang salamat po Mahal na Panginoon sa kakaibang pagkakataon na ito!" banggit pa ni Pamn. — James Relativo