MANILA, Philippines — Nasilat ng mga awtoridad ang planong pambobomba sa Zamboanga City kasunod ng pagkakaaresto sa isang bomb expert ng mga ektremistang Abu Sayyaf Group (ASG) sa operasyon sa lungsod nitong Biyernes, ayon sa opisyal kahapon.
Sa report ni P/Brig. Gen. Neil Alinsañgan, regional director ng Police Regional Office 9, ang operasyon ay inilunsad ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar kamakalawa ng madaling araw upang isilbi ang warrant of arrest laban sa target na si Jomar Mohammad at grupo nito na pawang mga aktibong kasapi ng Abu Sayyaf Group.
Ayon kay PNP chief Brig. Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang grupo ni Mohammad ay na-monitor na dumating sa Brgy. Calabasa, Zamboanga City para sa bombing mission. Gayunman, si Mohammad aniya ay nakatakas sa pagsalakay pero naaresto naman ang kasamahan nitong bomber na si Omar Mabanza matapos makorner ng security forces at nasamsaman ng improvised explosive device (IED) materials.
Narekober mula sa suspect ang isang fuse time commercial, cord detonating commercial, cap blasting improvised, manipis na lata na naglalaman ng eksplosibo, 14 piraso ng konkretong pako scrap metal, improvised mechanical time fuse, 9 Bolt Eveready na kulay asul na battery, isang box ice case, 8 pirasong 7.6mm (link) na bala, isang container at isang leather bag (brand tudle).
Sa pagkakaaresto sa nasabing hinihinalang bomber ay napigilan ang plano ng Abu Sayyaf na magpasabog sa Zamboanga City na diversionary tactics ng grupo para itakas sana ang dalawa nilang kasamahan na high profile inmates na sina Abu Sari at Sahid Alip; pawang nakapiit sa San Ramon Penal Colony.
Ang kapatid ni Mabanza na si Myrna Mabanza ay una nang tinukoy ng US Treasury Department bilang Islamic State facilitator.
Si Myrna ay nakikipagsabwatan umano sa mga highest-ranking members ng Islamic State sa Southeast Asia at nagsisilbing “intermediary” para sa mga militants sa Syria.