2 Guinness World Records, sabay na nasungkit ng Kalinga

Sabay na nasungkit ang titulo ng Guinness World Records ng Kalinga para sa pinakamaraming babaeng sumayaw nang sabay-sabay na may banga sa ulo at sa mga kalalakihang sumayaw na may gong.
Photo courtesy: PTV/FB

TABUK CITY, Kalinga, Philippines — Magkasabay na nasungkit ng lalawigan ng Kalinga ang dalawang Guinness World Records matapos maitala ang pinakamaraming bilang ng mga kalalakihan na tumutugtog ng gangsa (gong) at pinakamaraming mga kababaihan na sumasayaw habang may mga banga sa ulo. 

Ang makasaysayan na kaganapan ay kasabay ng selebrasyon para sa ika-28 founding anniversary ng lalawigan at ika-4 na “Bodong (Peace Pact) Festival 2023”.

Ayon sa opisyal na talaan ng Guinness World Record, umabot sa 3,440 na mga kalalakihan na nakasuot ng bahag at may bitbit na tig-iisang gangsa ang sabay-sabay na tumugtog at umindak habang umabot naman sa 4,681 na kababaihan na may mga banga sa ulo ang sumayaw sabay-sabay para sa “Awong Chi Gangsa, Agtu’n Chi Banga” (A call of a thousand gongs, the dance of a thousand pots) na na­ging susi para makamit ng lalawigan ang nasabing titulo.

Batay sa report, uma­bot naman sa mahigit 20,000 na mga residente at bisita ang dumalo at naging saksi para sa nasabing selebrasyon.

Personal naman na tinanggap nina Kalinga Gov. James Edduba, Kalinga Congressman Allen Jesse Mangaoang kabilang ang iba pang mga opisyal ang titulo matapos igawad ito mismo ni Guinness World Record adjudicator Kazuyoshi Kirimura sa Kalinga Sports Complex nitong Miyerkules ng gabi.

Sa kabila ng pag-ulan, hindi nagpatinag ang mga kalahok at mga residente kung saan lalong nagbigay ng ningning ang mga kalahok na bumuo ng hugis kalapati bilang tanda ng kapayapaan at pagkakaisa ng bawat tribu ng Kalinga. 

Ang ilang mga tribu sa Kalinga ay may mga hidwaan noong unang mga panahon subalit nabuo ang kanilang pagkakaisa at kaayusan sa pamamagitan ng Peace Pact na kung tawagin ay Bodong.

Show comments