MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang walang saysay na pamamaril sa Pikit, Cotabato noong Araw ng mga Puso, na bumiktima sa mga inosenteng mag-aaral ng Pikit National High School.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang Kagawaran kina National Security Adviser Eduardo M. Año at Department of National Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. upang tukuyin at masukol ang mga suspek sa likod ng nasabing pamamaslang.
“Hindi tayo titigil hanggang hindi nagkakaroon ng hustisya ang mga naging biktima at kanilang mga pamilya,” ani Abalos sa isang pahayag.
Pagtiyak pa niya, “Walang puwang ang mga mamamatay-tao sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. lalo na ang kumikitil ng buhay ng mga bata.”
Inatasan na rin ni Abalos si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na pangunahan ang imbestigasyon sa naganap na pamamaril, katuwang ang mga kasama sa DILG at PNP regional offices.