5 patay, 1 sugatan sa Masbate encounter
MANILA, Philippines — Limang miyembro ng communist terrorist group (CTG) ang patay habang isa ang sugatan at apat pa ang nadakip matapos makaengkwentro ng tropa ng militar sa Brgy. Guiom, Cawayan, Masbate.
Isa sa mga nasawi ay nakilala sa pangalang “Biboy”, umano’y kasapi ng New People’s Army (NPA) habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat.
Nakilala naman ang sugatan na si Jimuel Naraja, 35, may asawa at residente ng Brgy. Guiom, Cawayan, Masbate na kasalukuyang ipinapagamot sa ospital sakop ng bayang ito.
Nangyari ang sagupaan dakong alas-6 kamakalawa ng umaga sa Sitio Venteriales, Purok 7, Brgy. Guiom, Cawayan, Masbate.
Ayon kay 903rd Brigade Commander Brig. General Aldwine Almase, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 2nd Infantry Battalion matapos makatanggap ng sumbong mula sa mga residente kaugnay ng presensya ng mga rebelde sa lugar.
Agad na tinungo ang naturang lugar ng tropa ng Philippine Army sa pangunguna ni 1st Lt Cielo Dolorican, sa ilalim ng Alpha Company, 2nd Infantray Brigade na nakabase sa Brgy. Cabangcalan, Placer, Masbate.
Nang magpanagpo, agad na nagkabakbakan na umabot ng 30 minuto na ikinamatay ng lima at pagkasugat ng isa pa. Wala namang naiulat na nasawi sa panig ng pamahalaan.
Nasamsam ng tropa ng militar ang limang M16 rifle; isang AK 47 rifle, 523 piraso ng bala ng 5.56 rifle, 153 piraso ng AK 47 ammunitions, at anim na bandoliers.
Pinaniniwalaang nasa 20 na rebelde ang nakasagupa ng mga sundalo at nang bumulagta ang lima at masugatan ang isa ay nagsitakas ang ibang mga kasamahan na patuloy na tinutugis ng militar. - Jorge hallare
- Latest