MANILA, Philippines — Nailigtas ng mga tauhan ng isang pribadong barko ang kapitan at 22 tripulante ng isang cargo vessel na tumaob sa karagatang sakop ng Surigao del Norte, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) kahapon.
Sa report ng PCG, rumesponde sila sa isang maritime incident ukol sa pagtaob ng LCT Pacifica 1, isang cargo ship, sa karagatan sa pagitan ng Hinatuan Island at Bucas Grande Island ng nabanggit na lalawigan.
Nasagip ng PCG ang 23 crew ng barko kabilang na ang kanilang kapitan na si Roberto Espino.
Ayon kay Espino, nanggaling sila sa Cabadbaran Port sa Agusan del Norte at patungo sa Dapa Port sa Surigao del Norte nang makaengkuwentro nila ang malalaking alon na aabot ng tatlong metrong taas.
Humampas at pumasok aniya ang malahiganteng alon sa engine room na nagdulot ng pagkasira ng makina at ng steering nito hanggang sa tumaob.
Masuwerte na napadaan sa bisinidad ang MV Veronica na agad na nailigtas ang mga tripulante ng cargo vessel.
Rumesponde rin agad sa lugar ang BRP Panglao ng PCG na nagbigay ng atensyong medikal sa mga tripulante at tiniyak ang kanilang maayos na kondisyon.
Habang isinusulat ito, nagsasagawa na ang PCG ng pagtataya sa bahagi ng karagatan para sa posibleng oil spill.