MANILA, Philippines — Ipinatitigil na o pinababawi sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang operasyon ng small town lottery (STL) sa buong lalawigan ng Albay matapos na karamihan ng mga provincial board members ng lalawigan ay bumuto sa resolusyong nagre-revoke sa license to operate o pagsususpindi ng operasyon nito.
Ayon sa resolution number 0361-2023 na pinirmahan ni Vice Gov.Glenda Ong-Bongao at may-akda nito na si Board Member Jesus Salceda Jr., chairman ng committee on games and amusement, hinihingi nila sa PCSO ang pagsuspindi sa operasyon ng naturang numbers game dahil sa nagiging sanhi ito nang malawakang operasyon ng iligal na sugal na jueteng. Maliban pa ito sa ‘inconsistent declaration” umano ng income ng STL.
Nagalit ang mga provincial board members makaraang dalawang beses hindi sinipot ng operator ng STL ang imbitasyon ng committee meeting para linawin ang ilang isyu gaya ng malawak na iligal na operasyon ng pa-bookies at jueteng at ang reklamo ng ilang lokal na pamahalaan dahil sa kakapiranggot na por- syentong nakukuha mula sa operasyon nito.
Ayon kay Board Member Dante Arandia, nagtataka ang mga LGU sa Albay dahil sa kabila ng malakas na operasyon sa pagpapataya ng STL ay may ilang bayan na tumatanggap lang ng remittance o porsyento na hindi bababa sa P6 libong piso hanggang P30-libong piso, walang proper accounting sa kanila kung magkano ang kabuuang nalikom sa pagpapataya at kung papaano ang pagkwenta sa porsyentong matatanggap ng LGU.