Madugong raid ng CIDG sa Sulu..
ZAMBOANGA CITY - Patay ang pitong miyembro at tagasuporta umano ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa kidnap-for ransom habang dalawa pa ang naaresto at tatlo ang nasugatan kabilang ang isang police captain matapos ang ginawang pagsalakay ng tropa ng pamahalaan na nauwi sa madugong engkuwentro sa Sulu kahapon.
Kinilala ni Police Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao (APC-WM) ang mga napatay na suspek na sina Juko Dahim; Jimming Akjal; Malik Eron at kanyang anak na si alias “Eron”; Aldimar Kanih; Gamil Halik; at Norhan Pasi, habang ang dalawang naaresto ay sina Julmin Amdan Asgali at Rogir Mukattir alias “Rojimar Dahim”.
Nilalapatan naman ng lunas sa ospital sina Police Capt. Nolie Agmaliw na nasugatan sa kaliwang daliri at dalawang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala na sina Alxia Hail Lim, 2-anyos, ng Brgy. Kapok Punggol, at Crismalyn Hail Tajid, 22, ng Barangay Bualo; pawang sa Maimbung.
Isa pang suspek na nagawang makatakas sa lugar ay nakilalang si Alganer Dawadil Dahim.
Ayon kay Verceles, dakong ala-1:21 ng madaling-araw nang maganap ang engkuwentro matapos ang isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Sulu Field Unit katuwang ang 7th Special Action Battalion ng Special Action Force (SAF), Sulu Provincial Force Mobile Company at Maimbung Police na may koordinasyon mula sa 41st Infantry Battalion, para arestuhin si Juko Dahim at mga kasamahan nito sa Brgy. Kapuk Punggol sa boundary ng mga bayan ng Parang at Maimbung.
Gayunman, matapos maramdaman ang pagdating ng tropa ng gobyerno sa lugar ay pinaulanan umano sila ng mga bala ng grupo ni Juko Dahim.
Sinabi pa ni Verceles na napilitang makipagpalitan ng putok ang mga operatiba sa mga armadong grupo na tumagal ng 40 minuto ang engkuwentro.
Tumigil lang ang putukan nang bumulagta si Juko Dahim at anim na kasamahan. Dinala sila ng mga pulis sa ospital subalit pawang idineklarang dead-on-arrival.
Narekober sa encounter site ang iba’t ibang malalakas na armas at bala ng mga suspek na kinabibilangan ng dalawang M16 rifle, tatlong AR15 na may nakakabit na M203 grenade launcher, tatlong M14 rifle, isang caliber .45 pistol, daan-daang rounds ng iba’t ibang bala ng mga rifle, 19 rounds ng 40mm grenades para sa M203, bandoliers, magazines, at itim na bag na naglalaman ng firearms accessories.
Sinabi ng pulisya na si Juko Dahim at grupo nito ay miyembro at supporter ng napatay na Abu Sayyaf kidnap-for-ransom sub-leader na si Majan Sahidjuan alias “Apo Mike”na sangkot sa mga kidnapping activities, drug trade at patayan.