MANILA, Philippines — Nasa 95 bahay at 38 paaralan ang napinsala nang yanigin ng magnitude 6 na lindol ang New Bataan, Davao de Oro, nitong Miyerkules.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado, nasa 95 na kabahayan ang nasira kabilang ang mga nagkaroon ng bitak habang ang iba pa ay tuluyang gumuho sa malakas na pagyanig ng lupa.
Sinabi pa sa ulat ng NDRRMC na nasa 134 imprastraktura ang napinsala na tinatayang umaabot sa P18.01 milyon.
Iniulat naman ng Department of Education (DepEd), na 38 paaralan ang nasira sa lindol sa Davao de Oro kabilang dito ang Sonlon National High School sa Asuncion, Davao del Norte; Alejal Elementary School sa Carmen, Davao del Norte; Toril Elementary School sa Island Garden City of Samal; at Montevista National High School sa Davao de Oro.
Matatandaang Miyerkules ng gabi nang tumama ang lindol sa Davao de Oro, na ang epicenter ay natunton may 12 kilometro sa northeast ng New Bataan.
Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), hanggang alas-2:00 ng hapon ay umaabot na sa 882 ang aftershocks na kanilang naitala.
Sa mga naturang aftershocks, dalawa lamang ang nasa magnitude 1.5 hanggang 3.6.
Nasa 16 katao ang naiulat na nasugatan sa lindol, base na rin sa datos mula sa Office of Civil Defense.
Nasa 340 namang residente ang naapektuhan ng lindol habang daang kabahayan din ang nagtamo ng pinsala sa kalamidad samantalang maging ang mga pasyente sa Davao de Oro ay inilikas na dinala sa sports complex covered court habang ang iba pa ay sa Davao Regional Medical Center sa lungsod ng Tagum.