LPG tank sumabog: 5 empleyado sugatan
CANDELARIA, Quezon, Philippines — Limang empleyado ng kilalang food chain ang sugatan makaraang sumabog ang kanilang ginagamit na tangke ng liquified petroleum gas (LPG) sa loob ng isang supermarket, kamakalawa ng hapon sa Barangay Malabanban Norte ng bayang ito.
Batay sa ulat ni PLt.Col.Dennis De Leon, chief of police dito, nakilala ang mga nasugatan na pawang nagtamo ng mga 1st at 2nd degree burn sa mga katawan ay kinilalang sina Shayne Bacaro, 36, dalaga, manager ng Barangay Masalukot 1, Johnlee Quimora, 40, may-asawa, assistant manager ng Barangay Cotta, Lucena City; Aubrey Alcantara, 19, kahera, dalaga ng Barangay Malabanban Sur; Jenelym Pere, 28, service crew, residente ng Barangay Pahinga Norte, at Mico Tomy Buedron, 19, binata, crew ng Barangay Bukal Sur; pawang mga empleyado ng KFC branch na nasa loob ng Waltermart Candelaria.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang pagsabog bandang alas-3:30 ng hapon matapos magkaroon ng leak ang tangke ng LPG.
Mabilis na isinugod sa Peter Paul Hospital at Candelaria District Hospital ang mga sugatang empleyado.
Nasira ang loob ng fast-food chain at ilang bahagi ng mall dahil sa naturang insidente at sa kasalukuyan ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Candelaria PNP at BFP.
- Latest