GABALDON, Nueva Ecija, Philippines — Patuloy na isinusulong at pinalalakas ang industriya ng pagkakawayan sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Kasunod ito sa ginanap na pulong ng Micro Small and Medium Enterprise Development Council (MSMEDC) at Bamboo Industry Development Council (BIDC) sa Nueva Ecija upang malaman ang nagawa nang mga programa gayundin ang mga isusulong pang proyekto na maaaring pagtulungan para sa industriya.
Hangad ng pagpupulong na mapalawig pa ang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong tanggapan tungo sa pagpapaunlad ng maraming industriya sa lalawigan na kinabibilangan ng pagkakawayan.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Director Richard Simangan, marami pang aabangan na development sa nabanggit na industriya kabilang na ang hangad na mapataas ang kamalayan ng mga mamamayan patungkol sa lokal na produksyon nito.
Aniya, patuloy ang kanilang pagsubaybay sa mga kooperatiba partikular sa mga kailangan sa produksyon, pagbibigay kasanayan at paghanap ng merkado.
Kilala na sa bamboo industry ang “Bambuhay” mula sa bayan ng Carranglan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa gayundin ang grupo ng mga kababaihan sa bayan ng General Tinio, NE, na Papaya Kababaihan Sinag Tala (PAKASITA) na ngayon ay katuwang na ng DTI sa pagbibigay ng mga kasanayan sa mga nagsisimula pa lamang sa negosyo.
Kabilang sa mga bayan sa Nueva Ecija na kilala na sa industriyang pagkakawayan ang Bongabon, Carranglan, Gabaldon, General Tinio at Llanera.