Matapos abusuhin ang anak
MALINAO, Albay, Philippines — Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang misis matapos na mapatay sa pambubugbog ng kanyang sariling asawa makaraang komprontahin nito sa ginawang pang-aabuso sa kanilang 12-anyos na anak na babae sa loob ng kanilang bahay sa bayang ito kamakalawa ng gabi.
Walang malay na isinugod ng mga residente at kaanak sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital pero dahil sa maselang lagay ay inilipat sa Daraga Doctors Hospital sa bayan ng Daraga pero idineklarang patay na ang biktimang si “Lorena” Bebe, 47-anyos habang patuloy namang tinutugis ng mga pulis ang tumakas na mister na kinilalang si “Eduardo,” pawang residente ng naturang lugar.
Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi kinompronta ni Lorena ang kanyang asawa matapos malamang inabuso nito ang kanilang 12-anyos na anak. Gayunman, nagkaroon nang mainit na pagtatalo ang mag-asawa dahilan para bugbugin ng suspek ang misis. Alas-4 ng madaling araw ay walang malay na isinugod ang biktima sa pagamutan dahil sa paglala ng kondisyon sanhi ng mga sugat at bugbog sa iba’t ibang bahagi ng katawan pero hindi na ito umabot nang buhay.
Mismong ang mga anak na ng mag-asawa ang nagsuplong sa kanilang tatay sa mga pulis na agad nagkasa ng manhunt operation para tugisin ang suspek habang inihahanda na ang isasampang mga kaso laban sa kanya.