SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Patay ang mag-asawa matapos na masabugan ng granada sa loob ng kanilang tahanan na hinihinalang bunga ng kanilang pag-aaway sa Purok 7, Brgy. District III, Gamu ng lalawigang ito kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Charles Medrano, 40, magsasaka at misis niyang si Criselda, 43, isang guro at kapwa residente sa nabanggit na lugar.
Ayon sa report, isang sibilyan ang tumawag sa himpilan ng pulisya matapos makarinig ng isang malakas na pagsabog sa loob ng bahay ng mag-asawang Medrano dakong alas-8:30 ng umaga.
Dahil dito, agad rumesponde ang mga operatiba ng Gamu Police at naabutan ang mga biktima na wala nang buhay at halos magkagutay-gutay ang mga katawan sa loob ng kanilang kuwarto matapos masabugan ng granada.
Teyorya ng pulisya, away mag-asawa ang posibleng dahilan ng pagpapasabog sa bomba.
Napag-alaman na ilang beses umanong nagkaharap sa barangay at istasyon ng pulisya ang mag-asawa dahil sa sumbong ni Criselda na diumano’y pananakit sa kanya ng kanyang mister na si Charles.
Nauna rito, naaresto na rin umano si Charles sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o “Violation Against Women and Their Children (VAWC) noong Marso 2021 na isinampa ni Criselda subalit kalaunan ay nakalaya rin ang mister.
Wala namang nadamay sa nasabing pagsabog.