MANILA, Philippines — Patay ang isang dating pulis at kasama nito na kapwa sangkot umano sa bentahan ng droga nang makaengkuwentro ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring Enforcement Group (PNP-IMEG) sa ikinasang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Naga City.
Nakilala ang dating pulis na si Cpl. Albert Gumba na sinibak sa serbisyo at isa pang high value target na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Brig. Gen. Warren de Leon, hepe ng PNP-IMEG, nakatanggap sila ng impormasyon na sangkot sina Gumba sa transaksiyon ng iligal na droga sa San Isidro, Naga City.
Agad na isinagawa ang buy-bust operation kung saan isang tauhan ng IMEG ang nagsilbing poseur buyer subalit nakatunog umano ang mga suspek na humantong sa shootout.
Bulagta sina Gumba at kasabwat nito habang nakita sa crime scene ang ilang pakete ng shabu na nagkakahalagang P47,600 at dalawang kalibre 45 na baril.