11,000 bags ng puslit na sibuyas, nasabat

BOC, Navy, PCG joint ops sa Zamboanga
MANILA, Philippines — Muli na namang nakasabat ang Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Philippine Navy (PN)-Naval Forces Western Mindanao at Philippine Coast Guard (PCG) ng mga smuggled na sibuyas makaraang nasa 11,000 bags nito ang makumpiska sa magkasunod na operasyon sa Zamboanga City nitong nakalipas na linggo.
Sa ulat ng BOC-District Zamboanga, makasunod na operasyon ang ikinasa nila kasama ang PN, PCG, Joint Task Force Mindanao at iba pang sangay ng militar sa Varadero de Cawit, Brgy. Cawit ng naturang lalawigan.
Isang closed van ang nasabat ng mga operatiba na naglalaman ng 3,000 bags ng pulang sibuyas.
Sa follow-up operation, natukoy ang sea vessel na MJ Marisa na pinagmulan ng mga sibuyas at muling nakakumpiska ang mga awtoridad ng nasa 8,000 mesh bags na may katumbas na 44,000 kilos ng sibuyas.
Kasunod nito, natiyempuhan din ng mga operatiba ang isang watercraft na ML Zhary na may lulan namang humigi’t kumulang sa 300 drums ng smuggled petroleum products at mga lubricants, sa karagatang sakop ng Brgy. Cawit.
Nabatid na ang pagsama ng PN-NFWM at Western Mindanao Command sa mga operasyon ay bahagi ng kanilang pangako ng pagtulong sa gobyerno at lokal na pamahalaan sa kampanya laban sa smuggling at iba pang illegal na aktibidad sa rehiyon.
- Latest