Nadiskubre sa ice cream container
MANILA, Philippines — Takot ang naramdaman ng mga nangangalakal ng basura nang kanilang madiskubre ang isang ice cream container na naglalaman ng nilagang dalawang putol na kamay ng tao kahapon ng umaga sa isang barangay sa Bacolod City.
Ayon kay P/ Captain Jonito Pastrana, Bacolod City Police Station 2 commander, natagpuan ng mga garbage collectors ng IPM-Construction and Development Corp. dakong alas-6:20 ng umaga ang ice cream container sa tambak ng basura sa Purok Kagaykay, Brgy. 2, Bacolod City.
Ang mga putol na kamay ay naluto umano matapos ilaga at sinahugan pa ng langka.
Sa ibang report, ang inuuod na mga putol na kamay ay naka-marinate umano sa suka, bawang, isda, at iba pang mga sangkap at gulay. Nakitaan din ito ng papel na may 22 pangalan ng mga drug personalities at drug protectors na pawang residente ng Brgy. 2 ng nasabing lungsod.
May nakasulat pa na babala sa papel na --”Kung hindi pa kayo titigil, ipapa-raffle na lang ito” na ang ibig sabihin, ang makatatanggap nito ay ang susunod na biktima.
Panawagan ni Pastrana sa mga nasa listahan na makipag-ugnayan sa pulisya.
Sinabi naman ni Brgy. Chairman Emelda Banguanga, karamihan sa mga nasa listahan ay kilalang mga drug dealers na una nang naaresto.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang biktimang nagmamaya-ari ng dalawang putol na kamay at sa posibleng responsable sa insidente.