LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Aabot sa 36-kilometro ng kable ng Albay Electric Cooperative ang isinailalim simula kahapon sa clearing operation ng mga linemen na ipinadala ng 10-electric cooperatives sa buong Kabikulan na bumubuo sa ginawang “Task Force Beca”.
Ayon kay Aleco Acting Gen.Manager Engr.Wilfredo Bucsit, napakalaking tulong umano ng 64 bilang na ipinadalang technical at linemen ng Bicol Electric Cooperatives Association (BECA) sa pangunguna ng pangulo nitong si Eddie Gumban. Ang BECA ay binubuo ng Casureco 1, Casureco ll, Casureco lll, Casureco 1V, Tiselco, Fiselco, Canoreco, Soreco at Maselco.
Lahat ng kahoy, mga sanga ng kahoy at maging dahon ng puno ng niyog na sumasabit sa mga kable ay puputulin para mabawasan ang malaking pagkalugi ng Aleco sanhi ng system loss na umaabot ng 28 porsyento at maiwasan na rin ang biglaang pagkakaroon ng mga brownout. Susubukan umanong matapos ang clearing operation sa loob lang ng isang linggo. Walang gagastusin ang Aleco kahit 5-centimo.
Pinasalamatan naman ni Gov.Edcel Grex Lagman ang BECA dahil sa malaking tulong sa lalawigan. Binuksan naman niya ang governor’s guesthouse para sa libreng akomodasyon ng lahat ng technical at linemen at inaasahang sa tulong nila ay muling makakabangon ang kooperatiba ng kuryente sa Albay.