AGDANGAN, Quezon, Philippines — Nakumpiska ng mga otoridad mula sa isang residente dito ng Agdangan,Quezon ang dalawang species ng wildlife na ibon na protektado ng batas.
Sa pamamagitan ng joint operation ng Quezon Martime Police Station (MARPSTA) at Regional Maritime Unit (RMU) Calabarzon, isinagawa ang isang buy-bust operation nang mapag-alamang nasa pangangalaga ng hindi pinangalanang suspek na residente ng Barangay Poblacion 2 ang dalawang Coleta Mynah at tatlong Philippine singing bird na pawang sa mga kagubatan lamang ng bansa matatagpuan.
Dinala ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) ang mga naturang ibon sa Office of the Provincial Veterinarian upang masuri.
Ayon sa Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO Quezon), isa sa mga Philippine singing bird ang binawian ng buhay bago pa man ito madala sa Provincial Animal Health Center.
Nakatakda namang dalhin sa Rehabilitation Wildlife Center sa Calauan, Laguna ang mga ibong nailigtas at nahaharap sa paglabag sa Section 27, Para (e) of R.A. 9147 (Training of Wildlife) ang suspek na nakuhaan nito.