3 HVT timbog sa higit P1.3 milyong shabu

CAVITE, Philippines — Nasabat ng pulisya ang tatlong high value target (HVT) kabilang ang isang 38-anyos na misis sa isinagawang drug bust operation sa isang subdivision ng Brgy. Molino 6, Bacoor City kamakalawa ng gabi.

Pawang mga nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sec. 5, 11 at 26 ng RA 9165 ang mga suspek na nakilalang sina Oliver Rovero Manato, 30, street vendor ng Lucena City; John Rasul Deculano, 21, construction worker ng Christian Ville Las Piñas City, at Susie Gucon  Gongora, 38, residente ng  Lucban, Quezon.

Sa nakalap na ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director PCol. Christopher Olazo, alas-7:30 ng gabi nang ilatag ng pinagsanib na puwersa ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU)-4A, Provincial Drug Enforcement Unit-Cavite, Bacoor Police, PDEG-SOU 4A at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-4A ang buy-bust operation laban sa mga suspek sa Phase 2, Soldier’s Hills Subdivision, Brgy.  Molino VI.

Matapos magpositibo ang drug deal hanggang sa magkaabutan ng droga at marked money ay agad na dinakma ang tatlong suspek ng joint operatives.

Narekober sa mga suspek ang 4-transparent plastic sachet ng shabu na nasa 200 gramo at may halagang  P1,360,000; ang P100,000 na ginamit sa buy-bust at tatlong cellular phones.

Sa pahayag ni Police Col Ruther Saquilayan, hepe ng pulisya sa lungsod, may ilang araw rin nilang minatyagan ang mga suspek bago isinagawa ang buy-bust.

Show comments