REAL, Quezon, Philippines — Nauwi sa trahedya ang outing ng isang grupo ng magkakaibigan makaraang malunod at mamatay ang isa nilang kasamahan sa beach resort sa Purol 1, Brgy. Tignoan, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Joseph Paulo Lim, 30, binata at residente ng Brgy. Macamot, Binangonan, Rizal.
Ayon kay PCpl.Joilan La Madrid, officer on case, nagtungo ang biktima at mga kaibigan sa Lazuli beach house upang mag-outing.
Nang bandang alas 5:20 ng hapon ay nagpaalam ang biktima na maliligo sa dagat sa kabila ng ito ay lasing na sa alak.
Habang nasa baybay ng dagat ay tinangay ang biktima nang malalaking alon patungo sa malalim na bahagi hanggang sa lumubog.
Mabilis namang rumesponde ang lifeguard upang iligtas ang biktima subalit hindi na ito nakita hanggang makalipas ang ilang minuto ay natagpuan itong walang buhay sa mga batuhan ng kalapit na resort.