CAVITE, Philippines — Nadakip na ng mga awtortidad ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang jeepney driver na nanita hinggil sa ipinatutupad na curfew sa isang subdibisyon kamakalawa sa lungsod ng Trece Martires City.
Kinilala ni Cavite Provincial Director Police Col. Christopher Olazo ang mga suspek na sina Ronald Marquez at Ariel Layam; kapwa residente ng Barangay Conchu, Trece Martires City, Cavite.
Ang pagdakip sa dalawang suspek ay kasunod sa naganap na pamamaril sa Summer Homes Subdivision, Barangay Cabuco kamakalawa ng gabi kung saan sinita ng biktimang si Mel Aubray Mijares, jeepney driver ng Barangay Conchu, Trece Martires, ang dalawang suspek hinggil sa ipinatutupad na curfew sa nasabing lugar.
Ikinagalit naman ito ng dalawang suspek kung kaya pinagbabaril umano nila ang biktima saka tumakas.
Sa follow-up na ikinasa ng pulisya, naaresto ang mga suspek sa tapat ng Barangay Hall ng Barangay Cabuco, Trece Martires City.
Lumabas din sa unang ulat ng pulisya na ang dalawang suspek ay kapwa miyembro ng Civil Security Unit sa lungsod ng Trece Martires.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang Armscor caliber .9mm, 2-magazines, 13 na bala , isang caliber .38 na kargado ng mga bala, isang kutsilyo, 3-empty shells, isang slug at isang motorsiklo.