Bastos na karatula sa PUVs, bawal sa Bulacan
MALOLOS CITY, Bulacan , Philippines — Ipinagbabawal na sa lalawigang ito ang paggamit ng mga salitang bastos na nakalagay sa karatula o slogan ng mga public utility vehicles (PUVs).
Ito ay matapos na isang babae na nagmamay-ari ng pampasaherong jeepney ang inimbitahan ng mga awtoridad sa Kampo Heneral Alejo Santos ng lungsod na ito upang pagpaliwanagin dahil sa bastos na katagang nakasulat sa estribo ng kanyang sasakyan na nag-trending sa social media.
Nitong Miyerkules ay napukaw ang atensyon ng Bulacan provincial government dahil sa kumalat na larawan sa social media ng naturang PUV hinggil sa “monologue” na nabanggit sa estribo, na ayon kay Governor Daniel Fernando ay isang uri ng pambabastos sa dakilang lalawigan ng Bulacan.
Agad na ipinag-utos ni Fernando kay Bulacan Police Provincial Office director, Col. Relly Arnedo na hanapin at imbitahan ang may-ari ng nasabing pampasaherong jeepney upang ipaalam ang kahihiyang idinulot nito sa mamamayan ng Bulacan.
Kinilala ng pulisya ang may-ari ng jeepney na si Eva Agmata, 48, balo, residente ng Bundukan, Bocaue na agad dumating sa kampo kasama ang kanyang anak. Siya ay personal na hinarap at pinagsabihan ni Fernando kaugnay ng mga katagang kabastusan na nakasulat sa estribo ng PUJ at dahil dito ay posibleng maharap sa kaukulang kaso ang ginang.
Partikular na napansin ang mga katagang nakasaad sa estribo na “Para umasenso ang Bulacan, kalibugan ay tigilan.”
“Hindi natin pinapayagan ang ganitong uri ng pambabastos, ito ay pagyurak sa dangal at magandang imahe ng lalawigan ng Bulacan na hindi dapat gawing isang biro o katatawanan,” wika ni Fernando.
“Ever since we are promoting patriotism and heroism of our ancestors and every Bulakenyos tapos bababuyin lang, dapat ang i-promote nila bilang public utility vehicles ay husay at galing ng Bulakenyo at mga magagandang produkto mula rito,” giit ng gobernador.
Ayon naman kay Atty. Gerard Manalo ng Bulacan Provincial Legal Office (PLO), pinag-aaralan na nila ang posibleng pagpapataw ng “persona non-grata” sa operator ng naturang jeepney.
Ipinag-utos na rin ng gobernador ang paghuli sa iba pang mga PUVs na mayroong kaparehong nilalaman ng mga komersyong pambabastos o hindi akma para makita o mabasa ng mga pasahero.
- Latest