2 habambuhay na pagkakulong…
MANILA, Philippines — Hinatulan ng korte na guilty sa kasong double murder na may katapat na kaparusahang “Reclusion Perpetua” o habang buhay na pagkabilanggo ang dating hepe ng Tayabas City Police Station at dalawa niyang mga tauhan dahil sa pagpaslang sa anak ng mayor ng Sariaya, Quezon at aide nito tatlong taon na ang nakalilipas.
Sa inilabas na hatol ni Regional Trial Court (RTC) Branch 53 Lucena City Judge Dennis Galahad Orendain ay napatunayang guilty sa double murder case sina dating Police Supt. Mark Joseph Laygo, Cpl. Lonald Sumalpong at Pat. Robert Legazpi.
Magugunita na noong March 19, 2019 ay natagpuang patay at tadtad ng tama ng bala sa katawan sa Tayabas City ang anak ni Mayor Marcelo Gayeta na si Christian, 21; at aide nitong si Christopher Manalo, 38.
Sa inilabas na police report ng Tayabas City-PNP ay nakasaad na may dalawang lalaking nangholdap sa isang gasolinahan at napaslang sa checkpoint.
Kinalaunan ay natuklasan ang tunay na pagkakakilanlan ng mga biktima at lumabas na walang holdapan na nangyari at pinaslang ang mga ito ng dalawang akusadong pulis na naka-assign sa intelligence section.
Ininguso rin ng witness na isa nilang kabaro na ang pamamaslang sa mga biktima ay may basbas ng kanilang hepe na si dating Supt. Laygo na una nang itinatanggi.
Bagama’t nakamit na ang hustisya, sinabi ni Sariaya Mayor Gayeta na patuloy nilang babantayan ang lagay ng mga akusado. - Michelle Zoleta