Lalaki na pumasok sa bahay ng kapitbahay, kinatay

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay nang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay dahil sa pagpasok sa tahanan ng suspek sa Brgy. Mayamot, Antipolo City kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din ang biktimang si Joseph Javier, residente ng Granada St., Pagrai Hills, sa Brgy. Mayamot, Antipolo City dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Samantala, arestado naman ang kapitbahay na suspek na si Conrado Arzubal. 

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-10:40 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima.

Nauna rito, umuwi umanong nakainom ng alak ang suspek at dito ay sinabi umano ng kanyang live-in partner na ang biktima ay pumasok sa kanilang bahay.

Dahil dito, nagalit umano  ang suspek kaya’t sinugod ang biktima sa bahay nito at kinompronta. Nauwi naman sa mainitang pagtatalo ang komprontasyon hanggang sa magbunot ng balisong ang suspek at pinagsasaksak ang biktima, na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Isang concerned citizen naman ang agad na nakapagsumbong sa mga otoridad sa insidente kaya’t sila ay rumesponde at mabilis na inaresto ang suspek. 

Narekober din ng mga otoridad mula sa suspek ang balisong na hinihinalang ginamit sa krimen.

Show comments