Sa rescue operations sa Cavite
CAVITE, Philippines — Arestado ang tatlong Chinese national na armado ng matataas na kalibre ng baril matapos ang ginawang pagdukot sa isang babaeng Chinese data analyst sa rescue operations na ikinasa ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi sa Barangay Molino 4, Bacoor City.
Nakilala ang biktima sa alyas na Lady Wu, 28-anyos, dalaga, isang data analyst at residente ng Neijiang City Sichuan China.
Naaresto sa operasyon ang mga suspek na nakilalang sina Huang Jun, 31-anyos; Huang Chen Bo, 24-anyos, at Chang Yu Pen, 22; pawang naninirahan sa Molino, Bacoor City, Cavite.
Sa nakalap na ulat mula kay Police Col. Christopher Olazo, director ng Cavite Police Provincial Office, nagkasa sila ng joint rescue operations kasama ang pinagsanib na puwersa ng Bacoor City Police na pinangunahan ni Lt. Col Ruther Saquilayan, Cavite Provincial Intelligence Unit at Anti-Kidnapping Group sa pamumuno ni Col. Frederick Eslava Obar, dakong alas-10:30 ng gabi sa tinutuluyan ng mga suspek sa nasabing lugar kung saan nila itinago ang kinidnap na biktima.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nitong Enero 5 dakong ala-1:10 ng hapon ay dumulog sa Bacoor Police Station ang dalawang lalaki na hindi muna pinangalanan at humingi ng tulong hinggil sa diumano’y may isang babae na dinala sa kanilang hotel sa SMDC Shore C2 na biktima ng kidnapping. Agad din umanong inilabas ng mga suspek ang biktima at dinala sa nirerentahang bahay sa may Brgy. Molino, Bacoor City.
Dahil dito, agad na ikinasa ang rescue mission at nang marating ang lugar, naabutan ng grupo ang tatlong suspek kasama ang biktima sanhi upang ma-rescue ang huli at hindi na nakapalag ang mga suspek sa pag-aresto.
Sa salaysay ng biktima, nagtungo siya sa Pilipinas dahil na rin sa pangako ng mga suspek na bibigyan siya ng trabaho at may suweldong P150,000 subalit pagdating umano nito ay agad siyang dinukot.
Narekober ng pulisya sa mga suspek ang isang Foton van na kulay puti na may plakang LAC 5364, isang pistol cal. 45 Armscor na walang serial number, 1 magazine na may mga bala, isang cal. 40 Taurus, dalawang magazine na may 38 na bala, mga bala ng cal. 40, isang Taurus cal. 40 na may dalawang magazine na kargado ng 21 bala, hand grenade, jungle knife, dalawang posas, 6 na iba’t ibang Iphone cellphone, isang MacBook laptop, P78,300 cash, duck tapes at iba’t ibang cards.
Pinuri naman ni Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., regional director ng Police Regional Office 4 ang Cavite Police at si Col. Christopher Olazo sa mabilis na aksyon at agarang pagkaka-rescue sa biktima.