Kotse salpok sa concrete barrier: Bank employee dedo, OFW kritikal
TIAONG, Quezon, Philippines — Patay ang isang empleyado ng bangko habang malubhang sugatan ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos na ang kanilang sinasakyang kotse ay bumangga sa concrete barrier sa Tiaong-San Juan Road, Barangay Paiisa ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang nasawing empleyado na si Rommel Alcantara, 31, may-asawa, at residente ng Sitio Ilaya sa nasabing barangay habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Liwag Hospital dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang OFW na si Edrian Chilton Alcantara, 25, binata, at residente din sa nabanggit na barangay.
Ayon kay P/Exec. Master Sgt. Sherwin Bonsol, officer on case, limang minuto bago sumapit ang pagsalubong sa bagong taon ay minamaneho ni Edrian ang isang kotseng Honda Sedan at nakasakay sa gawing kanan ang pinsan na si Rommel.
Habang binabagtas umano nila ang kahabaan ng highway ay nawalan ng kontrol sa manibela si Edrian at nagpagewang-gewang saka tuluyang bumangga sa concrete barrier na nakaharang sa open canal.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima na ikinasawi ni Rommel kalaunan dahil sa grabeng pinsala sa ulo.
Inaalam ng pulisya kung nakainom ng alak ang driver ng kotse na posibleng dahilan sa nasabing road crash.
- Latest