MANILA, Philippines — Isang tsinap-chop na katawan ng isang lalaki ang natagpuan sa isang dam sa bayan ng Matanao, Davao del Sur nitong Miyerkules.
Kinilala ang biktima na si Bonifacio Ontoy, 52, magsasaka, residente ng Brgy. Towak, Matanao ng lalawigan.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 11, alas-9:30 ng umaga nang madiskubre ng mga residente sa lugar ang tsinap-chop na katawan ni Ontoy sa Algon Dam sa Brgy. Saub na kanugnog ng Brgy. Towak; pawang ng nasabing bayan.
Sa pahayag ng mga kaibigan ni Ontoy ang biktima ay huling nakitang buhay nitong Martes ng gabi habang may binibili sa tindahan.
Ang biktima ay tumagay pa umano sa isang inuman sa lugar at tahimik na lumisan na iniwan sa tindahan ang kaniyang motorsiklo.
Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang kaso upang matukoy ang motibo ng krimen at masakote ang mga suspect.
Sa teorya ng mga otoridad,matinding galit ang nagtulak sa salarin na posibleng isa hanggang dalawa katao dahilan hindi pa nakuntento matapos na paslangin ay tsinap-chop pa ang bangkay ng mister saka itinapon sa dam.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang mga otoridad sa pamilya ng biktima upang makatulong sa imbestigasyon at malutas ang krimen sa lalong madaling panahon.