Obrero naipit ng 2 sasakyan sa pagtawid

MANILA, Philippines — Lasog ang katawan ng isang construction wor­ker matapos na mabangga ng dalawang sasakyan habang patawid sa kahabaan ng Maharlika National Highway ng Brgy. Salvacion, Pilar, Sorsogon kamakalawa ng gabi.

Sinubukan pang isugod sa Cumadcad District Hospital pero ideneklarang dead-on-arrival ang biktimang kinilalang si Noli Bueno Meneses, 35-anyos, binata, residente ng Upper Tula-Tula, Legazpi City, Albay.

Sumuko naman ang isa sa driver nang nakabanggang motorsiklo na si Ricky Mutcha Andes, 42-anyos, residente ng Purok-1, Brgy. Del.Rosario, Pilar. Habang patuloy na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng driver ng isa pang nakasagasang sasakyan.

Sa ulat, alas-6:00 ng gabi ay tumatawid ang biktima sa kalsada nang mabangga ng isang Honda Wave Motorcycle na minamaneho ni Andes.

Sa lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ang biktima sa gitna ng highway at nasagasaan naman ng hindi naplakahang sasakyan na hindi huminto at tuluy-tuloy na tumakas patungo sa direksyon ng bayan ng Daraga, Albay.

Agad sinaklolohan ng mga rescuers at mabilis na isinugod sa pagamutan ang duguan at walang malay na biktima pero hindi na umabot nang buhay.

Show comments