Mag-ina kinatay ng lasing na manugang
MANILA, Philippines — Mistulang kinatay ng 30-anyos na lalaki ang kanyang misis at ina nito nang pagsasaksakin niya ang mga ito, naganap sa Brgy. San Agustin, Hagonoy, Bulacan noong araw ng Pasko.
Kinilala ang suspek na si Boyet Panzo, 30, habang ang mag-inang nasawi ay kinilalang sina Dory Navarro y Lorenzo at Jenny Rose Lorenzo y Lopez kapwa residente ng Mababang Lupa, Brgy. San Agustin.
Sa report ng Hagonoy police, nangyari ang insidente bandang alas-10:15 ng gabi noong Disyembre 25 sa Purok 5 ng naturang lugar.
Ayon sa imbestigasyon, may hindi pagkakaintindihan si Jenny at kanyang asawang si Boyet na noon ay lasing at nais makipag-usap sa kanya.
Ayaw umano makipag-usap ni Jenny sa suspek hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa nagdilim umano ang paningin ng huli at pinagsasaksak ang asawa at ina nito hanggang mamatay ang mga ito.
Sinubukang saksakin din ng suspek ang 10 taong gulang na batang lalaki at tatlong buwang sanggol na lalaki,subalit nailigtas ito ng mga kapitbahay.
Isang kapitbahay ang nagreport sa pulisya na agad rumesponde sa lugar at nahuli ang suspek na mahaharap sa kasong 2 counts of murder at 2 count of attempted murder.
- Latest