2 barko lumubog sa Philippine border
ZAMBOANGA CITY, Philippines — Walong Malaysian at dalawang tripulanteng Pinoy ang nasagip ng dalawang dumaraang dayuhang cargo vessels nitong Christmas eve sa border ng Pilipinas matapos masira at lumubog ang kanilang mga sinasakyang barko at motorized banca sa magkahiwalay na lugar sa karagatang sakop ng Sabah at Tawi-Tawi.
Isa naman sa mga Malaysian sailors ang iniulat na nawawala at patuloy na pinaghahanap, ayon sa ulat ng Philippine Navy kahapon.
Sinabi ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) na ang Liberia-flagged bearer bulk carrier na may markang “Falcon Triumph” ay dumaraan sa karagatan ng Tawi-Tawi nang kanilang maispatan ang life raft sakay ang apat na katao noong Disyembre 24 ng gabi o bisperas ng Pasko.
Mabilis na sinaklolohan ng mga crew ng nasabing foreign vessel ang apat na palutang- lutang na biktima na kalauna’y nalamang dalawang Pilipino at dalawang Malaysian national.
Ayon sa Navy, isa pang Panamanian flag tanker vessel na may tatak na “High Adventure” na naglalayag din sa border ng Pilipinas, malapit sa Tawi-Tawi ang nakakita at sumagip sa anim pang katao habang nakakapit sa sirang wooden-hulled vessel at nakalutang sa dagat. Kalaunan ay napag-alamang mga Malaysian nationals ang anim na nailigtas.
Ang nabanggit na dalawang dayuhang barko ay magkahiwalay na kumontak sa Littoral Monitoring Station (LMS) sa Bongao para humingi ng responde sa pamamagitan ng kanilang marine radio band.
Mabilis namang tumugon ang Phl Navy at Marine personnel para sa rescue mission at kanilang natunton ang mga nasagip na biktima, ayon kay Brig. Gen. Romeo Racadio, commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi (JTF) at 2nd Marine Brigade.
Sinabi ni Racadio na walo sa mga nasagip na Malaysian ay crew members ng lumubog na M/V Belait Surita.
Aniya, ang M/V Belait Surita na may 9 na crew ay naglalayag mula sa karagatan ng Sandakan patungong Talabtab, Malaysia nang makaranas sila ng pipe explosion sanhi upang lumubog. Isa sa mga crew members nito ang nawawala sa insidente.
Ayon sa mga Malaysian survivor, dalawa nilang kasamahan na sakay ng life raft ang napahiwalay sa kanila matapos tangayin ng mga alon, hanggang sa napasama naman sa dalawang Pinoy seafarers na nasagip ng Navy at Marines.
Nabatid na ang dalawang Pinoy seafarers na sakay ng hindi markadong motorized banca ay umalis mula sa Tahaw Island, Tawi-Tawi patungong Bongao nang masagupa nila ang masungit na panahon sanhi upang lumubog ang sinasakyang bangka sa gitna ng kargatan.
Ang lahat ng na-rescue na biktima ay dinala sa Bongao at sumailalim sa medical check-up, at binigyan ng mga damit at pagkain, dagdag ni Racadio.