Lalaki sinalvage, itinapon sa gilid ng kalsada

PAGBILAO, Quezon, Philippines — Isang hindi nakikila­lang lalaki na biktima ng salvaging o summary exe­cution ang natagpuan sa gilid ng highway ng New Zigzag road, Sitio Upper Sapinit, Barangay Sila­ngang Malicboy, kamakalawa ng umaga.

Ayon kay P/Major Lawrence Panganiban, chief of police rito, ang bangkay na natagpuan dakong alas-7:20 ng umaga ay walang ID o mapagkakakilanlan maliban sa ito ay tinatayang umeedad sa pagitan ng 30-40. Nakasuot ito ng itim na t-shirt at pantalon, asul na tsinelas at maraming tattoo sa braso, tigre at dragon sa kanang hita, buddha sa likod at tinatayang may taas na 5’4 hanggang 5’5”.

Ayon sa pulisya, nag­lalakad sa gilid ng highway ang isang Cherry Palasigue nang makita nito ang isang lalaking nakadapa sa damuhan.

Sa pagsisiyasat ng SOCO, natuklasang ang biktima ay nakabalot ng face towel at itim na plastic bag ang ulo at nakatali ang dalawang kamay sa likod.

Inaalam pa ang sanhi ng pagkamatay ng biktima at hinihinalang pinaslang ito sa ibang lugar at doon lamang itinapon upang iligaw ang mga mag-iim­bestiga.

Show comments