NLEX-SLEX connector road, bubuksan na sa 2023

Ayon kay Kit Ventura, vice president for corporate communications ng NLEX Corporation, magiging derecho na ang biyahe ng mga kalakal na iniluluwas sa mga pamilihan sa Metro Manila at maging ng mga manggagawang araw-araw ay namamasukan dito.
STAR/ File

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines - Nakatakdang buksan sa papasok na taong 2023 ang bagong tayo na NLEX-SLEX Connector Road, na magsisilbing panibagong daan ng mga kalakal na magmumula sa hilaga at gitnang Luzon.

Ayon kay Kit Ventura, vice president for corporate communications ng NLEX Corporation, magiging derecho na ang biyahe ng mga kalakal na iniluluwas sa mga pamilihan sa Metro Manila at maging ng mga manggagawang araw-araw ay namamasukan dito.

Kapag nagsimula na ang operasyon nito, ang mga sasakyan na lalabas sa Bocaue open system toll barrier na patungo sa kanlurang bahagi ng Metro Manila ay aakyat sa west ramp ng Mindanao Avenue interchange upang mara­ting ang NLEX Harbor Link. Karugtong nito ang NLEX-SLEX Connector Road Project na may habang walong kilometro. Isa itong elevated expressway na may apat na linya o tig-dalawang linya sa magkabilang panig.

Bumabaybay ito sa ibabaw ng riles ng Philippine National Railways (PNR) at magiging katabi ng ginagawang North-South Commuter Railway (NSCR) Phase 1 at South Line. Ito ay mula sa bahagi ng NLEX-North Harbor Link sa C-3 Road sa Caloocan hanggang sa Sta. Mesa kung saan ikakabit sa istraktura ng Skyway Stage 3.

Magsisilbi itong pa­ngatlong alternatibong ruta upang makatawid mula sa NLEX patungo sa South Luzon Expressway (SLEX) o pabalik bukod sa Skyway Stage 3 at sa NLEX-C5 link.

Itinayo ang proyektong NLEX-SLEX Connector Road Project sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP kung saan ang NLEX Corporation ang napiling konsesyonaryo ng proyekto sa loob ng 37 taon.

Sa ngayon, naitawid na ang viaduct ng NLEX-SLEX Connector Road sa ibabaw ng Blumentritt Station ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 at sa ibabaw ng tulay ng Dimasalang.

Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Emil Sadain na isa ito sa mga halimbawa ng matatagumpay na proyekto na naisakatuparan sa pamamagitan ng PPP kung kaya mas mapapalawak at mapapaigting pa ito ng mga karagdagang imprastraktura na gagawin sa ilalim ng Build-Better-More Infrastructure Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Show comments