Higit P59 million sa agrikultura, imprastraktura napinsala sa Kabikulan
LEGAZPI CITY, Albay Philippines — Pumalo na sa 59, 779, 614 piso ang naitalang inisyal na pinsala sa Kabikulan sa patuloy na bagsak ng ulan nitong nakalipas na mga araw dahil sa masamang panahon dala ng shear line.
Ayon sa ulat ni Office Of Civil Defense-Bicol regional director Claudio Yucot, pinaka-napinsala ang agrikultura o pananim na umabot na sa 52, 729,614 piso. Ang lalawigan ng Camarines Sur ang may pinakamalaking danyos sa binahang palayan na umabot sa 1,609 metric tons na may halagang 39,177,446 piso habang nasa 12,705,480 piso naman ang danyos sa mais; sa Albay ay umabot naman sa halagang 755,698 piso ang danyos sa palay; sa Camarines Norte ay 33,990 piso sa danyos sa mais at may naitala ding 57-libong pisong danyos sa high value crops sa Catanduanes.
Umabot naman sa 7,050,000 piso ang halaga ng naging pinsala sa imprastruktura dahil sa pagkasira ng irrigation system at spillway sa Camarines Sur.
Nasa 4,535 na pamilya o 16,812 na katao ang naapektuhan sa ilang araw na mga pagbabaha sa halos 131 na barangay mula sa mga bayan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay na karamihan ay dinala sa iba’t ibang evacuation centers. Agad namang tumugon ang Department of Social Worker and Development-Bicol sa pangunguna ni regional director Normal Laurio at pinadalhan ng mga food packs ang apektadong pamilya.
- Latest