^

Probinsiya

4 'Anthrax deaths' sa Cagayan naitala; ilang katao naka-isolate

James Relativo - Philstar.com
4 'Anthrax deaths' sa Cagayan naitala; ilang katao naka-isolate
Kneeling carabaos are seen during the Carabao Festival in Pulilan, Bulacan last May 2022. The event is celebrated in honor of San Isidro Labrador, patron saint of farmers.
The STAR/Jesse Bustos, File

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang kaso ng sakit na Anthrax sa Sto. Niño, Cagayan, bagay na dumulo sa pagkamatay ng apat na kalabaw na siyang posibleng mailipat sa tao.

Ito ang ibinahagi ng DA Regional Field Office No. 02, Huwebes, mapatapos imbestigahan ng Provincial Veterinary Office, Department of Health Regional Office 02, atbp. ang pagkamatay ng mga naturang hayop.

"Nito lamang December 16, 2022, ayon sa pagsusuri ay kumpirmadong infected nga ng anthrax ang apat na kalabaw. Dalawa sa mga kalabaw ang nakatay at naibenta pa ng mga may-ari kung saan mayroong umabot ng Brgy. Annafatan, Amulung, Cagayan," wika ng DA Cagayan Valley kahapon.

"Sa tala ng DOH, nasa 73 katao sa Brgy. Calassitan, Sto. Niño ang exposed at 22 ang may cutaneous lesions o sugat sa balat kung saan sumailalim sila sa isolation at masusing obserbasyon."

 

 

Nasa 60 katao naman daw ang na-expose sa infected na karne sa Brgy. Annafatan, Amulung na galing sa Brgy. Calassittan, Sto. Niño. Inoobserbahan pa rin naman daw ang mga exposed na hindi nakikitaan ng sintomas.

Ika-23 ng Nobyembre nang matanggap ng Livestock Technician ng Sto. Niño ang impormasyon na nakitaan ng sintomas ng anthrax gaya ng:

  • biglaang pagkamatay
  • kawalang ganang kumain
  • pagiging matamlay/hirap humalaw
  • hematuria (dugo sa ihi)

Ayon sa DOH sa reporters ngayong Biyernes, patuloy pa ring nangangalap ng datos ang kanilang pambansang tanggap patungkol sa naturang Anthrax cases.  

Anthrax: Ano ito?

Paliwanag ni Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III ng DA RFO 02, isang mapanganib na sakit ang Anthrax na dulot ng isang uri ng bacteria na nabubuo mula sa isang "spore" na tinatawag na Bacillus anthracis.

"Apektado sa sakit na ito ang mga ruminants tulad ng kalabaw, baka, kambing, tupa at iba pa. Kabilang din sa mga apektado ay mga kabayo, baboy, aso, pusa at iba pang mga wild herbivores," ani Galang.

"Kabilang sa mga senyales ng anthrax sa mga apektadong hayop ang biglaang pagkamatay, hirap sa paghinga, lagnat, seizures, sakit sa puso, pagdurugo at postmortem lesions."

Dagdag pa niya, pwedeng mailipat sa tao ang anthrax sa pamamagitan ng cutaneous contact (pagdikit sa balat), ingestion (paglunok), inhalation (paglanghap).

Nakamamatay ba ito? Ano ang mga sintomas?

Ilan sa mga sintomas ng human infection ng Anthrax ang:

  • paltos o bukol na nangangati
  • skin sore sa mukha
  • leeg, braso at mga kamay
  • lagnat
  • chills
  • pagkahilo
  • sakit ng ulo
  • pananakit ng katawan
  • sore throat
  • pamamaga ng leeg o glands
  • pananakit ng tiyan
  • pagsusuka
  • diarrhea
  • atbp.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), kadalasang pumapasok sa katawan ang Anthrax sa pamamagitan ng balat, baga o gastrointestinal system.

"All types of anthrax can eventually spread throughout the body and cause death if they are not treated with antibiotics," sabi ng US CDC.

Wika ng US Food and Drug Administration, 20% ang mortality rate ng cutaneous Anthrax kung walang antibiotic, 25-75% sa gastrointestinal Anthrax habang 80% pataas naman para sa inhalation Anthrax.

Proteksyon laban dito

Ayon sa DA Cagayan Valley, maiiwasan ang Anthrax sa pamamagitan ng pagpapabakuna at agarang pagsusunog o malalim na paglilibing ng katawan ng infected na hayop.

Maaari naman daw malunasan ang sakit gamit ang agarang medical intervention at antibiotics.

"Dahil dito, pinapayuhan ng DA RFO 02 ang lahat na mag-ingat at maging responsable sa pag-aalaga ng mga hayop at ireport kaagad sa kinauukulan kung mayroong mga naobserbahan sa mga sintomas na nabanggit," sabi pa ng DA Cagayan Valley.

ANTHRAX

CAGAYAN

CARABAO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with