MANILA, Philippines — Nakamit na ng mga residente ng dating bayan ng Baliwag sa lalawigan ng Bulacan ang pagbabago nang ganap na gawing siyudad ito sa ikinasang plebisito nitong nakaraang Sabado, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
“Ang pangarap ng mga Baliwageño na patatagin ang pagkilala sa kanilang pag-unlad at umuusbong na ekonomiya sa pagbabago ng kanilang minamahal na munisipyo na ngayo’y lungsod ng Baliwag ay naging realidad na ngayon sa tagumpay ng plebisito na ito,” ayon sa pahayag ni Comelec spokesman John Rex Laudiangco.
Sa 23,562 residente na bumoto, nasa 17,814 (75.60%) ang bumoto ng “Oo” at 5,702 (24.19%) ang bumoto ng “Hindi” kaya naratipikahan ang Batas Republika Blg. 1129 na nagdedeklara sa Baliwag na isa nang lungsod.
Ang Baliwag ang ika-147 lungsod ng Pilipinas at kasama na sa 109 na Component Cities sa bansa.
Pinuri ng Comelec ang kooperasyon ng Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at lokal na pamahalaan sa pagtutulungan kaya naging matagumpay ang plebisito.