2 pa sugatan sa ligaw na bala
MANILA, Philippines — Dalawa ang patay kabilang ang anak ng alkalde ng Lutayan, Sultan Kudarat habang dalawa pa ang sugatan kasama ang isang bata matapos ang pag-atake ng armadong grupo sa public market ng nasabing bayan, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa ospital sa Koronadal City si Datu Naga Mangudadatu, 30-anyos, may-asawa, isang negosyante at residente ng Brgy.Tamnag, Lutayan, Sultan Kudarat. Siya ay dating kumandidato at natalo sa pagka-bise alkalde sa isang bayan ng Maguindao del Sur.
Si Naga ay anak ni Lutayan Mayor at dating Sultan Kudarat Governor Pax Mangudadatu.
Namatay naman habang ginagamot sa ospital si Dennis Hadji Daup, 25, binata at residente ng Brgy. Paitan, Mangudadatu, Maguindanao del Sur.
Tinamaan naman ng mga ligaw na bala si Watari Kalim, 34 at isang 11-anyos na batang lalaki na kapwa residente ng Brgy. Paitan, bayan ng Mangudadatu.
Ayon kay Lutayan Police chief Capt. Leonel Delasan, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng palengke ng Lutayan.
Nasa kanyang tindahan umano sa palengke at pasara na ng kanyang puwesto ang nakababatang Mangudadatu kasama si Daup nang biglang dumating ang mga suspek.
Ayon kay Lt. Col. Lino Capellan, tagapagsalita ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, sakay ng pickup truck na hindi naman naplakahan ang mga suspek. Pinagbabaril ang mga biktima saka mabilis na tumakas ang mga suspek.
Sa tinanggap na ulat ng pulisya, gumamit ang mga suspek ng malalakas na armas kabilang ang M-14 at M-16 rifles sa pamamaril sa mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen habang nagsasagawa na ng manhunt operation laban sa mga suspek sa pamamaslang.