CAVITE, Philippines — Arestado at nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang lady teller ng cockpit arena matapos na madiskubre ang pangungupit nito na umabot na sa mahigit 3-milyong piso, kamakalawa sa bayan ng Noveleta, lalawigang ito.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek na nakilalang si Ruth Ruiz Viray, nasa hustong gulang at residente ng Cabanela Street, Brgy. San Antonio, Cavite City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-12:10 ng tanghali nang ipaaresto si Viray ni Karla Denisse Reyes Jose, cockpit supervisor at residente ng Teachers Country Village, Brgy. Magdiwang, Noveleta, Cavite matapos nitong makumpirma sa isinagawang auditing ang nawawalang kita ng sabungan na umabot na ng P3,781,330.
Sinabi ni Jose na hindi nai-remit ng suspek ang kita ng sabungan at napag-alaman na sunud-sunod ang ginawang pangungupit ng huli hanggang sa umabot sa nasabing halaga.
Kasong qualified theft at iba pa ang isinampang kaso laban sa naturang teller.