Madugong lamayan: Sundalo niratrat ng kabaro, todas!

Kinilala ang nasawi na si Army Staff Sergeant Mariano Daran, 43-anyos, residente ng Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz.
STAR/ File

ILOILO CITY, Philippines — Patay ang isang miyembro ng Philippine Army matapos pagbabarilin ng kapwa sundalo sa mismong burol ng kanilang comrade na napatay sa ambush, sa Sigma, Capiz nitong Dis­yembre 6 ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Army Staff Sergeant Mariano Daran, 43-anyos, residente ng Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz.

Tinangka pang isu­god ng mga miyembro ng Sigma Response Team (SRT) si Daran sa Mambusao District Hospital pero idineklarang dead-on-arrival dahil sa dami ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Agad namang naaresto ng mga opisyal ng barangay ang suspek na si Corporal Joemarie Fermaran, 41, ng Barangay Lumapao, Canlaon City, Negros Oriental, matapos ang ginawang pagpatay kay Daran.

Nabatid na sina Daran at Fermaran ay kapwa miyembro ng 12th Infantry Battalion na nakabase sa Camp Cipriano Carreon sa Barangay Libot, Calinog, Ilo­ilo. Ang dalawa ay bahagi ng isang team na itinalaga para mangalaga sa burol ng kanilang kasamahang sundalo na si Sergeant Regie Glendro sa Barangay Pinamalatican, may 15 kilometro ang layo mula sa town proper.

Si Glendro ay isa sa dalawang intelligence ope­ratives mula sa 47th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Candoni, Negros Occidental, na napatay sa ambush sa Sitio Camboguiot, Barangay Camindangan, Sipalay City noong Nobyembre 24, 2022.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, habang naghahanda si Fermaran para sa kanyang duty bilang isa sa mga honor guards sa burol ni Glendro nang kumprontahin siya ng biktima bandang alas-9:30 ng gabi nitong Martes.

Sinabi ni Captain Marvin Balmes, hepe ng Sigma Police na sinita ng biktima si Fermaran dahil sa paggala nito sa lugar at umaalis sa bisinidad ng burol. Nag-aalala lamang umano ang biktima sa kaligtasan ng suspek dahil sa liblib ang naturang lugar.

Dahil dito, nauwi sa mainitang pagtatalo ang ginawang pagsita ng biktima sa suspek. Ilang sandali, nagulat ang mga tao sa lamayan nang biglang paulanan na lamang ng bala ni Fermaran ang biktima.

Mabilis na nagtakbuhan ang mga taong nakikipag­lamay at kanya-kanyang tago para sa kanilang kaligtasan.

Matapos ang insidente, naaresto rin ang suspek ng mga rumespondeng taga-barangay at dinala sa police station.

Inamin naman ng suspek na siya ay nakainom ng alak nang mapatay nito ang kanyang kasamahang sundalo.

Nabatid na si Fermaran ay nasa serbisyo na sa loob ng 16 taon.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang 22 empty shells ng caliber 5.56mm rifle, isang caliber .9mm Glock 17 (serial number AFP066276) na may kargang 16 na bala, at isang empty magazine para sa M16 rifle.

Isinuko rin ng suspek ang kanyang service firearm na Remington .5.56mm rifle (serial number DL027516) na may magazine na kargado ni pitong bala.

Show comments