CAVITE, Philippines — Namatay agad ang isang store supervisor makaraang sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa mga nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada kahapon ng madaling araw sa Barangay Biga, Tanza, Cavite.
Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang nakilalang si Brian Rey Labordo, 29, All Home store supervisor at residente ng Blk-24 Lot-7 Meadowlark, St. Agustin II, Dasmariñas City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-4:20 ng madaling araw habang minamaneho ng biktima ang kaniyang Yamaha Mio Aerox at bumabagtas sa kahabaan ng Tanza-Trece Road sa Brgy. Biga, Tanza nang mapagawi ito sa kabilang lane ng kalsada at dire-diretsong sumalpok sa nakaparadang motorsiklo at multicab dito.
Nabatid na malaki ang posibilidad na inantok at nakatulog ang biktima kung kaya hindi nito namalayan na napunta na ang minamanehong motor sa kabilang lane.
Itinakbo pa sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival na ito.