Bentahan ng droga sa park
CAVITE, Philippines — Nalambat ng pulisya ang dalawang kababaihan kabilang ang isang 16-anyos na dalagita matapos masamsaman ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa isang kilalang park sa lungsod ng Dasmariñas, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Norjina Sumagina Unte, 35, at ang 16-anyos na itinago sa pangalang Ash; kapwa residente ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Cavite Provincial Police Office director, Col. Christopher Olazo, alas 6:45 ng gabi nang ilatag ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), RSET 1 at RSET 2, PDEA-Cavite at Dasmariñas Police ang buy-bust laban kay Unte.
Naganap ang bilihan ng droga sa Promenade Park sa Governor Mangubat Avenue, Barangay Burol main, ng nasabing lungsod Dasmariñas City
Narekober sa mga suspek ang may mahigit sa 200 gramo ng Shabu na aabot sa halagang 1,380,000. Nakumpiska rin sa mga suspek ang isang cellphone at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Kapwa nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 ang mga suspek.