2 ‘drug dealer’ sa Ormoc, todas sa shootout

Ang mga suspek na agad nasawi sa engkuwentro ay kinilalang sina Paulo Pabingwit ng Barangay Naungan na siyang target sa operasyon at kanyang kasama na nakilala lang sa pangalang “Cabahug”.
STAR/File

ORMOC CITY, Philippines — Dalawang hinihinalang drug dealer ang napatay matapos umanong manlaban sa mga opera­tiba sa kasagsagan ng buy-bust operation na ikinasa sa Purok Sampaguita, Barangay Cogon ng lungsod na ito kamakalawa.

Ang mga suspek na agad nasawi sa engkuwentro ay kinilalang sina Paulo Pabingwit ng Barangay Naungan na siyang target sa operasyon at kanyang kasama na nakilala lang sa pangalang “Cabahug”.

Ayon sa report, dakong ala-1:00 ng mada­ling araw nang isagawa ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Drug Enforcement Group ng Ormoc City Police Office (OCPO) at Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Field Office laban kay Pabingwit kasunod ng transaksyon nito sa isang poseur buyer.

Gayunman, nakaha­lata umano ang magkasamang suspek habang nagkakaabutan ng droga at buy-bust money hanggang sa bumunot sila ng baril at pinaputukan ang mga operatiba.

Dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at PDEA agents sanhi upang bumulagta ang dalawang suspek.

Narekober sa crime scene ang 130 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P84,000, mga baril at pera na hindi pa batid ang halaga.

Ayon kay OCPO director, Police Colonel Nelvin Ricohermoso, ang napatay na si Pabingwit ay nakatala bilang high value target suspect na siyang puntirya ng patuloy na drug surveillance ng mga awtoridad.

Show comments