SAN ILDEFONSO, Bulacan, Philippines — Dahil sa pinaigting na anti-criminality law enforcement operations ng mga awtoridad, nadakip ang isang negosyante na kabilang sa kilabot na “Lorenzana Criminal Group” na sangkot umano sa gun-for-hire activities sa lalawigang ito, kamakalawa.
Sa report ni Police Provincial Director PCol. Relly Arnedo, kay Police Regional Office 3 director P/Brig. Gen. Cesar Pasiwen, kinilala ang naarestong suspek na si Rico Irabagon, 44 anyos, residente ng Brgy. Anyatam, San Ildefonso Bulacan.
Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, ganap na alas-10:50 ng umaga nang arestuhin ng mga operatiba si Irabagon base sa bisa ng search warrant sa kasong PD1866 na naamyendahan ng RA 8294 at RA10591 at RA 9165 na inilabas ng Malolos Regional Trial Court Branch 80.
Sa isinagawang tactical interogasyon, si Irabagon ay kabilang umano sa nasabing criminal group na sangkot sa gun for hire, gunrunning, robbery, smuggling at illegal drugs activities.
Nakuha sa bahay ng suspek ang 9mm pistol, isang hand grenade fragmentation (MKII) at cal.45 pistol, iba’t ibang bala at 12 plastic sachet ng hinihinalang sabu.