Lineman natusta sa binuksang generator

CAVITE, Philippines — Masaklap na kamatayan ang sinapit ng isang lineman matapos dumaloy ang malakas na boltahe ng kuryente sa kanyang katawan habang inaayos ang mga wire sa poste makaraang aksidenteng buksan ng isang residente ang generator, kahapon ng umaga sa Barangay Malainen Bago Naic Cavite.

Tustado ang buong katawan ng biktima naki­lalang si Heherson Laurente Gaviola,  31-anyos  at residente ng Blk. 90 Lot 2 Pasinaya North, Brgy. Timalan Balsahan, Naic, Cavite.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na nagbukas ng generator na si  Ed Mark Anciano, nasa hustong gulang, residente ng  NIA Road Brgy. Malainen Bago  Naic Cavite 

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:15 ng umaga, kasalukuyan umanong nagkukumpuni  

ng mga wirings ang biktima sa electric post sa kahabaan ng NIA road ng nasabing lugar kung kaya pansamantalang pinatay muna ang mga connection ng kur­yente sa nasabing lugar.

Ayon sa salaysay ng may-ari ng Aveco Electric Contractor Corp nang nasabing oras ay nasa itaas ng poste ang biktima at inaalis ang mga lumang wire kung kaya pansamantala nilang inalis ang mga koneksyon ng kuryente dito.

Gayunman,  biglang binuksan ni Anciano ang generator dahilan para manumbalik ang kur­yente at tuloy- tuloy na pumasok sa katawan ng biktima.

Sa tindi at dami ng kuryenteng pumasok sa biktima, nangisay ito at nasunog.

Naitakbo pa ang biktima sa San Lorenzo Ruiz Hospital Naic subalit idineklarang dead-on-arrival.

Show comments