MANILA, Philippines — Inaresto ng pulisya ang isang ABC (Association of Brgy. Chairman) president at dalawang barangay tanod habang tinutugis ang dalawang iba pa matapos na ireklamo sa pambubugbog ng tatlong magsasaka na nasangkot sa alitan sa trapiko sa Cabuyao City, Laguna nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga dinakip na sina Brgy. Chairman Mauro Galang, tumatayo ring ABC president sa Cabuyao City, at dalawang tanod na hindi pa tinukoy ang pangalan.
Ang mga biktima ay nakilala namang sina Ryan Capurihan, 40-anyos at Ryan Dean Capurihan, 22, na pawang nilalapatan ng lunas sa Emergency Room ng Saint James Hospital sa tinamong matitinding bugbog sa katawan. Ang isa pang biktima na nakilala namang si Carl Ryan Lapuz, 21 taong gulang ay naghain na ng reklamo sa pulisya.
Sa report ng Laguna Police, nangyari ang insidente sa mismong Brgy. Hall ng Brgy. Baclaran, Cabuyao City dakong alas-6:45 ng gabi nitong Biyernes.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ng tricycle ang mga biktima nang makagitgitan nila ang dalawang lalaki na sakay naman ng e-Bike at motorsiklo sanhi ng trapiko na nauwi sa bangayan at suntukan.
Ang biktimang si Ryan ay nagtamo ng sugat sa mukha na agad dumulog sa barangay para ireklamo ang mga suspect, nagkaroon ng mainitang komprontasyon at dito bumaba umano mula sa ikalawang palapag ng Brgy. Hall ang ABC president at pinagsusuntok ang mga nagrereklamo kung saan nakibugbog na rin ang iba pang barangay tanod dito.
Nahinto lamang ang komosyon matapos na umawat ang ilang bystanders sa lugar sa pambubugbog ng mga suspect sa mga biktima na pawang mga duguan ng nakalugmok.
Ang mga biktima ay isinugod sa pagamutan kung saan ang dalawa ay patuloy na nilalapatan ng lunas habang si Carl Ryan na binigyan na ng 1st aid ay naghain ng reklamo laban sa mga suspect.