Barko nasiraan sa dagat, 8 sakay nasagip ng Navy
ZAMBOANGA CITY, Philippines — Walong katao kabilang ang isang senior citizen na sakay ng motor launch o maliit na barko ang nasagip ng Navy personnel distressed motor matapos masiraan ng makina at ma-stranded sa karagatan ng ilang oras, sa may isla ng Tawi-Tawi, malapit sa border ng Sabah nitong Martes ng madaling-araw.
Ayon kay Naval Forces Western Mindanao (NFWM) chief Rear Adm. Toribio Adaci Jr. nagsagawa ang Naval Task Group (NTG) Tawi-Tawi ng search and rescue operation matapos na ialerto ng isang concerned civilian ang Littoral Monitoring Station sa Bongao kaugnay sa nawawalang motor launch.
Agad na nagpadala ang NTG ng patrol craft na BRP Florencio Iñigo (PC393) at kanilang natagpuan ang lokasyon ng motor launch na M/L Rihana habang nakalutang sa rough seas sa bisinidad ng Sibutu Island.
Mabilis na nakuha ng rescue team ang mga sakay ng barko kabilang ang tatlong pasahero, apat na crew at boat master skipper.
Sinabi ng Navy na haggard o pagod ang mga nasagip na pasahero at crew pero nasa mabuti na silang kondisyon.
Ayon sa mga nasagip, nanggaling sila sa Tagank at patungong Bongao nang makaranas sila ng pagkasira ng makina dahil na rin sa mabatong bahagi ng dagat na kanilang dinaanan patungo sa Sibuti Island. - John Unson
- Latest