Alitan sa ‘right of way’ nauwi sa tagaan at barilan: 1 utas

MANILA, Philippines — Isang mister ang patay habang isa pa ang sugatan nang mauwi sa tagaan at barilan ang matagal na nilang alitan sa lupa bunsod ng “right of way” sa Antipolo City, Rizal kamakalawa.

Dead-on-arrival sa ‘di tinukoy na pagamutan ang biktimang si Nonito Salluman dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Samantala, sugatan dahil sa taga at kaagad rin namang naaresto ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Florante Quimzon at sa tulong ng mga barangay tanod ay narekober ang baril na ginamit nito sa krimen.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng Antipolo City Police, naganap ang krimen dakong alas-6:30 ng umaga sa Purok 6, Brgy. Calawis ng naturang lungsod.

Bago ang krimen ay binakuran umano ng suspek ang pinag-aawayan nilang lupa na labis na ikinagalit ng biktima.

Nabatid na may matagal na umanong away ang pamilya ng suspek at biktima na may kinalaman sa right of way.

Dahil dito, kinabukasan ay nagtungo ang biktima sa naturang lugar at galit na galit na pinagtataga nito ng itak ang naturang bakod na ini­lagay ng suspek na gawa lamang sa kawayan.

Nakita naman umano ng suspek ang ginagawa ng biktima kaya’t naglabas ito ng pistola at nagpaputok ng warning shot upang pigilan ang biktima sa ginagawa.

Sa halip namang tumigil sa ginagawa, lalo lamang nagalit ang biktima kaya’t sinugod ang suspek at tinaga, sanhi upang magtamo ito ng sugat sa katawan. Dito na umano pinagbabaril ng suspek ang biktima na nagresulta naman sa pagkamatay nito.

Nakapiit na ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay sa piskalya. 

Show comments