MANILA, Philippines — Lima katao ang kumpirmadong patay kabilang ang isang senior citizen habang pito pa ang sugatan nang sumabog ang isang bahay na ginawang pagawaan ng mga firecrackers o paputok at sumiklab ang malaking sunog kahapon ng umaga sa Calamba City, Laguna.
Kinilala ni P/Col. Condrado Masongsong, hepe ng Calamba City Public Order and Safety Officer (POSO), apat sa mga nasawi ang unang kinilala na sina Leticia Coral, 83; James Darwin Coral, 22; Ryan James Gutierrez, 18 at Kenneth Buebo, 24 habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pa.
Nilalapatan naman ng lunas ang mga sugatan na sina Judd Nelson Corral, Genaro Valentino, Isagani Batalla, Joel Escoton, Joseph Alcantara at dalawang iba pa.
Ayon kay Brgy. Canlubang Chairman Larry Dimayuga, naganap ang pagsabog dakong alas-10 ng umaga sa GK Village, Sitio Majada Loob, Canlubang ng nasabing lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon na nanggaling ang pagsabog sa kusina ng bahay hanggang sa sumiklab ang apoy at nakulong ang lima na mga biktima na kanilang ikinasawi.
Limang kabahayan din ang sinasabing nadamay sa sunog.
Sinasabing iligal na gumagawa ng mga paputok para sa Pasko at Bagong Taon ang bahay ng mga biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente.