LOPEZ, Quezon, Philippines — Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan sa basurahan at nakasilid sa loob ng plastic bag sa Brgy. Gomez ng bayang ito, kamakalawa.
Ayon sa pulisya, naglalakad ang isang Fe Ausa nang makarinig ng iyak ng sanggol malapit sa basurahan dakong alas-6:20 ng umaga.
Nang siyasatin ni Ausa ay doon niya natuklasan sa loob ng isang plastic bag ang isang sanggol na lalaki na mayroon pang umbilical cord na nakakabit sa pusod nito.
Mabilis namang isinugod ng babae ang sanggol sa Magsaysay District Hospital upang agarang mabigyan ng atensyong medikal.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at sinusuri ang mga CCTV sa mga kalapit na establisyemento ng basurahan na kinatagpuan ng sanggol upang makilala at makasuhan ang walang puso nitong ina.