MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang dalawang high value drug pusher sa magkahiwalay na operations sa lalawigan ng Rizal at Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Calabarzon police director, ang unang naarestong suspek na si Lester De Borja, 27, alias Kuya, sa buy-bust operation sa Barangay San Roque, Antipolo City, Rizal nang pagbentahan nito ang isang pulis na nagpanggap na buyer at nakumpiska ang nasa 13 piraso ng plastic ng tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,560,000.
Sa isa pang drug operation,iniulat ni P/Col. Christopher Olazo, Cavite police director, na nagsagawa ang kanyang mga tauhan ng drug operation nitong Miyerkules at naaresto ang suspek na si Yusop Pangandag Yasin, 28, residente ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City sa aktong pinagbebentahan ang isang pulis sa Via Verde Subdivision,Barangay San Agustin 2, alas-10:22 ng gabi.
Nasamsam sa suspek ang 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000.
Nabatid na sina De Borja at Yasin ay nakalista bilang high value individual na target ng Phil. Drug Enforcement Agency at Regional Drug Enforcement Unit4A ng Calabarzon. - Cristina Timbang